--Ads--

Patuloy ang pamamahagi ng hybrid rice seeds sa mga kuwalipikadong magsasaka sa Cauayan City upang makatulong sa pagpapalakas ng produksyon ng palay at pagpapababa ng kanilang gastusin sa pagtatanim.

Sa pamamagitan ng programa, nabibigyan ang mga benepisyaryo ng binhing magagamit sa kanilang mga sakahan, alinsunod sa itinakdang kwalipikasyon at pangangailangan ng mga ito.

Inaasahang makatutulong ang libreng binhi upang mabawasan ang puhunan ng mga magsasaka sa bawat cropping season at mailaan ang kanilang pera sa iba pang gastusin, kabilang ang pataba, paghahanda ng lupa, irigasyon at paggawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga benepisyaryo na si Ginoong Rodel Alonzo, sinabi nitong malaking tulong ang libreng binhi dahil nababawasan ang kanilang gastusin sa pagsisimula ng bawat cropping season.

--Ads--

Gayunman, nananatiling hamon para sa mga magsasaka ang mataas na presyo ng mga farm inputs at kawalan ng katiyakan sa kanilang magiging kita, na naaapektuhan ng lagay ng panahon, kondisyon ng mga pananim at presyo ng palay sa merkado.

Samantala, mahalaga ring isaalang-alang ng mga magsasaka ang pagkakaiba ng hybrid at inbred rice seeds sa pagpili ng binhing itatanim.

Ang pamamahagi ng libreng binhi sa mga magsasaka sa Cauayan City ay sinimulan noong ika-13 bg Oktubre at inaasahang matatapos sa Barangay Bugallon, Cauayan City sa Nobyembre 4.