--Ads--

Nananawagan si Senador Erwin Tulfo sa Department of Foreign Affairs (DFA) na irekomenda ang pagdedeklarang persona non grata kay Chinese Ambassador Jing Quan kasunod ng kontrobersiyal na pahayag nitong madaling mananalo ang China sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.

Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 739 na inihain nitong Lunes, sinabi ni Tulfo, vice chairperson ng Senate committee on foreign relations, na nagdulot ng seryosong pangamba sa wastong diplomatikong asal at sa mga implikasyon nito sa soberanya at pambansang seguridad ng Pilipinas ang mga pahayag ng embahador.

Ayon sa senador, dapat nakabatay sa paggalang sa isa’t isa, makabuluhang pakikipag-ugnayan, at mapayapang pag-uusap ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at China.

Hinimok din niya ang DFA na irekomenda sa mga kinauukulang awtoridad ang pagdedeklarang persona non grata kay Jing dahil sa bigat ng kaniyang mga pahayag at sa posibleng epekto ng mga ito sa soberanya, pambansang dangal, at ugnayang bilateral ng dalawang bansa.

--Ads--

Matatandaang sa isang panayam na ibinahagi sa social media ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, sinabi ni Jing na madaling mananalo ang China kung gagamit ito ng puwersa, ngunit hindi umano nila ito gagawin dahil nais nila ng kapayapaan.

Dahil dito, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipapatawag niya ang Chinese ambassador, at inilarawan ang pahayag bilang tila banta at hindi angkop na diplomatikong pananalita.

Nitong Lunes, pormal nang ipinatawag ng DFA si Jing upang ipabatid ang seryosong pag-aalala at mariing pagtutol ng Pilipinas sa kaniyang mga naging pahayag.

Samantala, kinuwestiyon ng Chinese Embassy ang mga pahayag ng ilang mambabatas na nananawagang ideklarang persona non grata ang embahador at nagtanong kung maituturing na “threat or coercion” ang mga ito.

Sa pahayag ng embahada, sinabi nitong: “But anyway, just do it. Otherwise, STOP BLUFFING.”