Inilahad ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara ang umano’y mga iregularidad sa proseso ng bidding para sa mga proyektong ipinagkakaloob ng ahensya sa mga kontratista.
Sa kaniyang testimonya sa pagdinig kaugnay ng petisyon para sa piyansa sa kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, sinabi ni Alcantara na may isang coordinator na namamagitan sa proseso ng bidding.
Aniya, nakikipag-ugnayan ang coordinator sa mga kontratista, at isa sa mga ito ang nagbibigay umano ng paunang pera kapalit ng pagkakakuha ng isang proyekto.
Kabilang sa mga kumpanyang lumahok sa bidding ang L.R. Tiqui Builders, Inc., JAGONBUILD Construction Corp., Flordes Construction and Trading Corp., Triple 8 Construction & Supply, Inc., Wawao Builders, at Topnotch Catalyst Builders, Inc.
Ayon kay Alcantara, isinasagawa pa rin ang regular na proseso ng bidding, habang ang tungkulin naman ng Bids and Awards Committee (BAC) ay basahin ang mga kontrata ng mga kontratistang nanalo sa bidding.
Dagdag pa ni Alcantara, inihahatid sa kaniyang tanggapan ang mga paunang bayad na ibinibigay umano ng mga kontratista.











