--Ads--

Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagkakatalaga kay Zofia Canlas, 27-anyos na bagong commissioner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), sa kabila ng mga batikos sa kaniyang kwalipikasyon at mga larawan mula sa kaniyang paglalakbay sa ibang bansa.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi dapat maging hadlang ang edad at katayuan sa buhay ni Canlas sa paghawak ng nasabing posisyon, lalo’t matagal na umano itong naglilingkod sa ahensya.

Nanumpa si Canlas bilang PCUP commissioner noong Oktubre 19. Nagtapos siya ng kursong Biology sa De La Salle University noong 2024 at nagsilbing chief of staff ng komisyon simula Hulyo 2025.

Bago ito, naging first nominee siya ng Batang Quiapo party-list mula Oktubre 2024 hanggang Mayo 2025.

--Ads--

Umani ng batikos si Canlas matapos magbahagi sa Instagram ng mga larawan mula sa kaniyang mga paglalakbay sa France, Italy at Greece. Dahil dito, kinuwestiyon ng ilang netizen ang kaniyang kwalipikasyon para sa posisyong nakatuon sa kapakanan ng maralitang tagalungsod at may taunang sahod na tinatayang dalawang milyong piso.

Ayon kay Castro, hindi kinakailangang may law degree ang isang PCUP commissioner dahil pangunahing tungkulin nito ang makipag-ugnayan at makipagnegosasyon para sa mga maralitang sektor.

Hinimok din ng opisyal ang publiko na bigyan ng pagkakataon si Canlas at suriin ang kaniyang kakayahan batay sa aktuwal na pagganap sa tungkulin.

Ang PCUP ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng mga komunidad ng maralitang tagalungsod at ng pambansang pamahalaan, kabilang ang mga usapin sa relokasyon at pagpapaalis sa mga informal settler sa mga lupang pag-aari ng gobyerno.

Noong Agosto 2026, inilipat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Office of the President ang administrative leadership sa PCUP at National Anti-Poverty Commission.