--Ads--

Namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese warship at research vessel sa magkahiwalay na bahagi ng Bajo de Masinloc sa isinagawang maritime domain awareness flight nitong Martes.

Ayon sa PCG, nag-radio challenge ang Chinese warship sa nagpapatrulyang Philippine aircraft na katuwang ang Philippine Air Force. Namataan naman sa labas ng atoll ang research vessel na walang kasamang Chinese Coast Guard ship.

Nakita rin ang dalawang boya, kabilang ang isang malaking boya na may tila nakakabit na antenna at namataan na rin sa lugar noong nakaraang taon.

Bagama’t nakatanggap ang PCG ng ulat hinggil sa umano’y pagtatayo ng China ng istruktura sa lugar, wala itong nakitang ganito sa isinagawang flight kahit bumaba ang aircraft sa tinatayang 200 talampakan.

--Ads--

Samantala, tiniyak ni PCG Commandant Vice Admiral Rommel Supangan na magpapatuloy ang pagbabantay sa karagatan ng bansa kasabay ng modernization program ng ahensya.