--Ads--

Kinuwestiyon ng IBON Foundation ang umano’y mabagal na aksyon ng pamahalaan at kawalan ng pangmatagalang solusyon sa patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jose Enrique “Sonny” Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi niyang agad na nararamdaman ng mga Pilipino ang epekto ng paghina ng piso sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, pagkain, kuryente at iba pang pangunahing bilihin.

Bagama’t may bahagyang dagdag sa halaga ng remittances ng mga OFW kapag kino-convert sa piso, sinabi ni Africa na nababawasan din umano ang benepisyong ito dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Iginiit ni Africa na hindi man agad kayang kontrolin ng pamahalaan ang mismong pagbaba ng halaga ng piso dahil nakaugat ito sa istruktura ng ekonomiya, ngunit maaari nitong bawasan ang epekto nito sa ordinaryong Pilipino.

--Ads--

Kabilang sa iminungkahi niya ang paggamit ng emergency powers para makontrol ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa panahon ng national emergency.

Samantala, nanawagan din siya ng pangmatagalang hakbang upang mabawasan ang pag-angkat ng pagkain at enerhiya at mapalakas ang lokal na agrikultura at industriya upang madagdagan ang kakayahan ng bansa na kumita ng dolyar sa pamamagitan ng exports.

Ayon kay Africa, dapat makita rin sa 2027 budget ang konkretong suporta sa mga sektor na ito at hindi lamang ang agarang tugon sa epekto ng paghina ng piso.