--Ads--

Iginiit ng IBON Foundation na may kakayahan ang mga construction firms sa National Capital Region (NCR) na ipatupad ang P85 dagdag-sahod sa kanilang mga manggagawa nang hindi nalulugi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, sinabi nitong batay sa pinakahuling Annual Survey of Philippine Business and Industry ng Philippine Statistics Authority (PSA), 16 porsyento lamang ng kabuuang gastusin ng mga construction firms sa NCR ang napupunta sa labor cost, habang ang natitirang 84 porsyento ay para sa iba pang gastusin tulad ng materyales, kagamitan at operasyon.

Ayon kay Africa, kahit ipatupad ang P85 dagdag-sahod sa lahat ng manggagawa, tinatayang 10 porsyento lamang ng tubo ng mga kumpanya ang mababawas. Aniya, hindi makatarungang tutulan ng ilang construction firms ang wage hike gayong mananatili pa rin sa kanila ang halos 90 porsyento ng kanilang kita.

Sinabi pa ni Africa na wala umanong sapat na batayan upang itaas ng mga negosyo ang presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo kung maliit lamang ang mababawas sa kanilang kita. Aniya, maaari namang tanggapin ng mga kumpanya ang bahagyang pagbaba ng kanilang tubo sa halip na ipasa sa mga mamimili ang dagdag na gastos.

--Ads--

Dagdag pa ng opisyal, ang tunay na pinagtatalunan sa usapin ng wage hike ay hindi ang kakayahan ng mga kumpanya na magbigay ng dagdag-sahod, kundi ang pagnanais ng ilan na mapanatili ang kanilang kasalukuyang antas ng kita.

Dahil dito, ang mga consumer ang kadalasang naaapektuhan kapag ipinapasa sa presyo ng mga produkto at serbisyo ang anumang dagdag na gastos.

Binigyang-diin din ni Africa na kahit maipatupad ang P85 dagdag-sahod sa NCR, hindi pa rin ito sapat upang maabot ang tinatayang family living wage na mahigit P1,300 kada araw para sa isang pamilyang may limang miyembro, kaya nananatili aniyang kinakailangan ang dagdag na sahod para sa mga manggagawa.