--Ads--

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang anim na buwang preventive suspension without pay laban kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary for e-Government David Almirol Jr. kaugnay ng umano’y conflict of interest sa mga kontrata ng pamahalaan na nagkakahalaga ng ₱1.55 bilyon.

Ayon sa Ombudsman, may sapat na batayan upang pansamantalang suspendihin si Almirol habang dinidinig ang mga reklamong grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Nag-ugat ang mga reklamo sa ulat ng DICT Internal Audit Unit noong Hunyo 2025 na tumukoy sa posibleng conflict of interest sa pagkuha ng mga dating tauhan ng Multisys Technologies Corporation at paggawad ng mga kontrata sa iba pang kumpanyang may kaugnayan dito.

Ayon sa Ombudsman, hindi bababa sa walong kontrata ng DICT ang naigawad sa mga kumpanyang may ugnayang pinansyal sa Multisys, na kinabibilangan ng mga serbisyong information and communications technology, e-government applications, cloud infrastructure, data center at software subscriptions.

--Ads--

Si Almirol ang nagtatag at dating chief executive officer ng Multisys. Batay naman sa mga dokumentong binanggit sa suspension order, nakalista pa siya bilang stockholder ng kumpanya na may 49.21 porsiyento ng mga shares nito sa isang General Information Sheet na na-notaryo noong Oktubre 27, 2022 at natanggap ng Securities and Exchange Commission noong Nobyembre 2, 2022.

Nauna nang itinanggi ni Almirol ang mga naging konklusyon sa audit report, at iginiit na may iba pang service provider na nakatanggap din ng maihahambing na mga kontrata mula sa pamahalaan.

Ayon sa Ombudsman, layunin ng preventive suspension na matiyak na hindi maaapektuhan ang patas at maayos na imbestigasyon, lalo na dahil nananatili kay Almirol ang kontrol at kustodiya sa mga dokumento at ebidensiyang may kaugnayan sa kaso.

Agad na ipatutupad ang kautusan at mananatili ang suspensiyon hanggang sa matapos ang pagresolba sa mga kasong administratibo.