--Ads--

Handang isumite ng House prosecution panel sa Office of the Ombudsman ang mga dokumento at ebidensiyang may kaugnayan sa tatlong binawing articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sakaling hilingin ito ng anti-graft body.

Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kabilang sa mga maaaring isumite ang mga rekord hinggil sa confidential funds, bribery at grave threats na saklaw ng Articles I, III at IV ng impeachment complaint.

Gayunman, nilinaw ni Luistro na kailangan munang makuha ang pagsang-ayon ng iba pang miyembro ng prosecution panel at ng liderato ng Kamara bago pormal na maisagawa ang paglilipat ng mga dokumento.

Binigyang-diin din ng mambabatas na hindi layunin ng prosecution panel na panghimasukan ang imbestigasyon ng Ombudsman. Aniya, dapat bigyan ng kalayaan ang tanggapan na suriin at timbangin ang mga ebidensiyang hawak nito.

--Ads--

Ayon kay Luistro, magkahiwalay ang impeachment proceedings at ang mga kasong iniimbestigahan ng Ombudsman, kaya maaari itong magpatuloy nang sabay. Mayroon na rin umanong mga rekord ang Ombudsman mula sa mga naunang pagdinig ng Kongreso hinggil sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Sa ngayon, wala pang pinal na iskedyul ang prosecution panel para sa posibleng pagsasalin ng mga dokumento. Magpupulong pa ang mga miyembro nito upang pag-usapan ang susunod na hakbang.

Matatandaang binawi ng House prosecutors noong Oktubre 13 ang Articles I, III at IV ng impeachment complaint laban kay Duterte, kaya Article II na lamang ang natitirang haharapin sa Senado. Sinabi ng prosecution panel na sapat ang ebidensiya nito upang ituloy ang natitirang alegasyon.