Pinalawig ng Energy Regulatory Commission (ERC) hanggang Disyembre 2026 ang moratorium sa pagputol ng suplay ng kuryente, subalit nilinaw ng ISELCO-I na may mga kondisyon pa ring kailangang sundin ng mga consumer upang makinabang sa nasabing palugit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Laarni G. San Antonio, Branch Office Supervisor ng ISELCO-I na sumasaklaw sa Cauayan City at Reina Mercedes, Isabela, sinabi niyang hindi awtomatikong ligtas sa disconnection ang mga consumer na gumagamit ng 200 kilowatt-hours (kWh) pababa kada buwan, lalo na kung mayroon silang mga hindi nababayarang bill.
Sa ilalim ng patakaran, hanggang Nobyembre 26, 2026 ang palugit sa pagbabayad ng mga singil mula Mayo hanggang Hulyo 2026, habang hanggang Disyembre 26 naman ang mga bill mula Agosto hanggang Oktubre 2026.
Ayon kay San Antonio, maaaring simulan ang disconnection sa mga kwalipikadong kaso simula Disyembre 27, 2026 kung hindi pa rin mababayaran ang mga singil mula Agosto hanggang Oktubre, kabilang ang mga consumer na pasok sa itinakdang buwanang konsumo.
Inaasahan namang babalik sa Enero 2027 ang dating dalawang-buwang disconnection policy ng kooperatiba. Patuloy na nagpapaalala ang ISELCO-I sa mga consumer na bayaran ang kanilang mga obligasyon sa takdang panahon at subaybayan ang mga opisyal na anunsiyo hinggil sa pagpapatupad ng moratorium.









