Iimbestigahan ng Energy Regulatory Commission o ERC ang mga kumpanya ng power generation kaugnay ng mga naganap na power interruption sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay ERC Legal Service Director Maria Corazon Gines, unti-unti nang bumabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Umaasa si Gines na magtutuloy-tuloy na ang operasyon ng mga power plant at wala nang mararanasang panibagong outage.
Gayunman, sinabi niyang susuriin ng ERC ang mga generation company upang matukoy ang dahilan ng mga naging outage sa kanilang mga planta.
Tiniyak din ng opisyal na magpapataw ng multa at iba pang parusa kung mapatutunayang may pagkukulang ang isang generation company, upang maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.
Mula pa noong Mayo ay nakararanas na ng paulit-ulit na power interruption ang Visayas dahil sa hindi planadong pagpalya ng ilang malalaking power plant. Samantala, ilang planta naman sa Mindanao ang nagsimulang hindi makapag-operate noong Agosto.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, kinakailangan ang power interruptions upang mapamahalaan ang natitirang suplay ng kuryente habang hindi pa nagbabalik-operasyon ang ilang power plant.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga komite sa Kamara para sa Energy, Visayas Development, at Legislative Franchises kaugnay ng nagpapatuloy na brownout sa Visayas.











