--Ads--

Isang gabi ng nostalgia at awitan ang naranasan ng libu-libong tagahanga nang magtanghal ang international iconic soft rock duo na Air Supply sa The Capital Arena sa Ilagan City kagabi, Oktubre 21.

Bahagi ang concert ng kanilang “A Matter of Time Tour,” kung saan muling inawit ng legendary duo ang kanilang mga walang kupas na hit songs na minahal ng iba’t ibang henerasyon.

Literal na napuno ng mga tagahanga ang The Capital Arena, kabilang ang mga Ilagueño at mga bisitang nagmula pa sa iba’t ibang probinsya upang personal na masaksihan ang pagtatanghal ng iconic duo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ilagan City Mayor Jose Marie Diaz, sinabi nitong ipinakita ng naturang concert ang kakayahan ng lungsod na maging venue ng mga pagtatanghal ng international artists.

--Ads--

Hindi rin nagpahuli ang mga kabataang kabilang sa Generation Z, na ilan ay personal pang bumili ng mga album ng Air Supply at nagbiyahe mula sa ibang probinsya upang mapanood nang live ang kanilang mga iniidolo.

Kabilang sa mga dumalo ang dalawang fans mula sa Maddela, Quirino, na nagpahayag ng kanilang excitement at pasasalamat sa pagkakataong mapanood nang personal ang legendary duo.

Naging espesyal ang gabi para sa mga tagahanga na matagal nang nakikinig sa mga awitin ng Air Supply at nagkaroon ng pagkakataong sabayan ang mga ito sa kanilang live performance.