Inalis ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ang isang umano’y drug-related killing sa trial brief nito sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa updated trial brief na inilabas noong Oktubre 20, tinanggal ang Incident 57 na tumutukoy sa umano’y pagpatay sa isang high-value drug target.
Ang insidente ay kabilang sa walong karagdagang kaso ng pagpatay na nais ipasama ng prosekusyon sa Count 2, na sumasaklaw sa mga alegasyon ng pagpatay sa mga high-value drug target mula Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.
Sa desisyon noong Oktubre 9, sinabi ng ICC Trial Chamber III na naganap umano ang Incident 57 dalawang linggo matapos ang panahong saklaw ng Count 2. Dahil dito, hindi maaaring palawakin ng prosekusyon ang itinakdang panahon ng mga kumpirmadong kaso upang maisama ang nasabing insidente.
Gayunman, pinanatili ng prosekusyon ang mga listahan ng mga saksi at ebidensya dahil maaari pa rin umanong makatulong ang mga ito sa pagpapatunay ng mga elemento ng crimes against humanity at ng indibidwal na pananagutang kriminal ni Duterte.
Nilinaw na ang pagtanggal sa Incident 57 ay hindi nangangahulugang napatunayang hindi ito nangyari o napawalang-sala si Duterte kaugnay nito.
Samantala, pinayagan namang manatili sa kaso ang pito pang karagdagang insidente, kaya umabot sa 56 ang kabuuang bilang ng mga insidenteng saklaw ng trial brief.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.











