Umabot sa 16 katao ang nasawi at 46 ang nasugatan matapos tumama ang magnitude 7 na lindol sa Baqen County sa Nagqu, Tibet, China, kagabi, Oktubre 22, 2026.
Sa pinakahuling datos ng mga lokal na awtoridad, 11 sa mga nasugatan ang nasa malubhang kondisyon habang 35 ang nagtamo ng minor injuries. Umabot naman sa 339 kabahayan ang gumuho o napinsala, bukod pa sa 20 kulungan ng mga alagang hayop.
Naitala ang lindol sa lalim na 10 kilometro, habang ang sentro nito ay nasa Maru Township, humigit-kumulang 70 kilometro mula sa kabisera ng Baqen County. Nabitak din ang ilang pader ng mga gusali, habang nakaranas ng power outage at pagkaantala ng komunikasyon sa ilang lugar.
Agad namang ipinadala ang mga rescue team sa mga apektadong komunidad. Kabilang sa mga hakbang ang paghahanap sa mga posibleng na-trap sa gumuhong mga bahay at pagbibigay ng tulong medikal sa mga nasugatan. Iniulat ding nagkaroon ng pansamantalang paghinto ng ilang biyahe ng tren at pagsasara ng bahagi ng isang highway dahil sa mga batong bumagsak sa kalsada.
Patuloy naman ang pagsasagawa ng rescue at relief operations habang tinutukoy pa ng mga awtoridad ang kabuuang lawak ng pinsala. Inaasahan din ang snow storm sa mga susunod na araw, na maaaring magpahirap sa mga operasyon sa malamig at mataas na lugar.











