--Ads--

Niyanig ng lindol na may paunang magnitude na 7.0 ang karagatan sa kanluran ng Ogasawara Islands, may 1,000 kilometro sa timog ng Tokyo, Japan, nitong Linggo ng umaga.

Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), natukoy ang lindol sa lalim na humigit-kumulang 470 kilometro.

Naitala naman ang intensity 3, sa Japan seismic intensity scale na may pinakamataas na antas na 7, sa ilang bahagi ng mga isla.

Bagama’t malalim ang pinagmulan ng lindol at malayo sa kabisera ng Japan, naramdaman pa rin ang pagyanig sa malawak na bahagi ng silangan at hilagang-silangang Japan.

--Ads--

Pinaniniwalaang kumalat ang seismic waves sa Pacific Plate kaya umabot ang pagyanig sa malalayong lugar.

Nilinaw naman ng ahensya na walang tsunami na nabuo kasunod ng lindol.