--Ads--

Libu-libong Israeli ang nagprotesta sa Tel Aviv nitong Sabado upang kondenahin ang pamahalaan ni Prime Minister Benjamin Netanyahu, tatlong araw bago ang halalan sa bansa.

Pinangunahan ng October Council, isang grupong binubuo ng mga pamilya ng mga nasawi at bihag sa pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, ang kilos-protesta upang igiit ang pananagutan ng pamahalaan sa kabiguang mapigilan ang naturang pag-atake na naging mitsa ng digmaan sa Gaza.

Ayon sa mga ulat, dumalo sa protesta ang mga lider ng apat na pangunahing partido ng oposisyon, kabilang si Gadi Eisenkot, dating hepe ng militar ng Israel.

Sa pahayag ng October Council sa social media,  iginiit ng grupo ang pangangailangang mabunyag ang katotohanan, mapanagot ang mga responsable at makapagtatag ng isang komisyon ng estado na magsisiyasat sa mga pagkukulang na nagbigay-daan sa pag-atake.

--Ads--

Nagmartsa ang mga demonstrador mula sa Rabin Square patungo sa Hostages Square, na naging sentro ng mga naunang kilos-protesta para igiit ang pagpapalaya sa mga bihag na dinala sa Gaza.

Ayon kay Hadas Feuershtein, 68-anyos na kalahok sa protesta, hindi pa umano nasasaksihan ng Israel ang ganitong kalagayan, kasabay ng kanyang pagpuna sa pamumuno ng administrasyong Netanyahu.