Hinikayat ng Isabela Provincial Highway Patrol Group (HPG) ang mga rider, driver at commuter na makibahagi sa paglulunsad ng proyektong KAAGAPAY o Komunidad Kaagapay ng mga Alagad ng Batas Gabay sa Payapa at Ligtas na Lansangan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi nitong layunin ng programa na matiyak ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada, kabilang ang mga motorcycle rider, driver at commuter.
Ayon kay Bagayao, inilunsad ang naturang inisyatiba sa pangunguna ng kanilang direktor at mga nakatataas na opisyal dahil sa napapansing pagdami ng mga aksidente sa kalsada sa bansa.
Sa pamamagitan ng proyektong KAAGAPAY, layon ng HPG na palakasin ang ugnayan ng komunidad at mga alagad ng batas upang maisulong ang mas ligtas at maayos na lansangan.
Sinabi rin ng opisyal na isasagawa ang paglulunsad ng programa sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan bilang bahagi ng hakbang na mapalawak ang implementasyon nito at maabot ang mas maraming motorista at commuter.
Samantala, nabanggit ni Bagayao na inaasahang magkakaroon ng mga aktibidad na nakatuon sa mga rider matapos ang Undas, bagamat wala pang inilalabas na detalye hinggil sa iskedyul at mga aktibidad na isasagawa.
Sa pamamagitan ng programa, inaasahang mahihikayat ang mga gumagamit ng kalsada na maging mas maingat at responsable upang makatulong sa pag-iwas sa mga aksidente at pagpapanatili ng kaligtasan sa lansangan.











