Nanawagan ang mga student leader ng agarang paglalagay ng karagdagang CCTV cameras at streetlights sa paligid ng mga paaralan upang mapalakas ang seguridad ng mga estudyante, lalo na sa mga madidilim na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gian Untalan, Student Leader, sinabi niyang layunin nitong maiwasan ang mga posibleng insidente, kasunod ng naunang pangyayari kung saan isang nurse student ang sinundan umano ng isang lalaki matapos ang kaniyang duty.
Gayunman, nilinaw niyang hindi lamang nakabatay sa naturang pangyayari ang kanilang panawagan, kundi bahagi ito ng mas malawak na hakbang upang maiwasan ang mga posibleng insidente at maprotektahan ang mga estudyante.
Ayon kay Untalan, sinabi umano ng vice mayor na may nakalaang budget para sa mga naturang proyekto, ngunit hinihintay pa nila ang aktuwal na implementasyon nito.
Iminungkahi rin ng mga student leader ang mas regular na pagroronda ng mga pulis o Public Order and Safety Division (POSD) upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyanteng pumapasok, umuuwi at dumaraan sa paligid ng mga paaralan.






