--Ads--

Nahihirapang makabawi sa gastusin sa operasyon ang isang bus company dahil sa mataas na presyo ng diesel at mababang bilang ng mga pasaherong naisasakay sa bawat biyahe.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Tarun, Inspector ng isang bus company, sinabi niyang umaabot sa mahigit P20,000 ang kanilang nagagastos sa diesel, habang hindi sapat ang kinikita mula sa mga pasahero at kargamentong ipinadadala mula Maynila upang matugunan ang kabuuang gastusin sa operasyon.

Ayon kay Tarun, mas maganda ang kita ng kanilang kumpanya noong mga nakaraang taon dahil mas mababa ang presyo ng diesel at mas marami ang mga pasaherong naisasakay sa bawat biyahe.

Sa kasalukuyan, nananatiling hamon sa kanilang operasyon ang mababang bilang ng mga pasahero dahil kailangan pa rin nilang tustusan ang diesel at iba pang gastusin kahit kakaunti ang kanilang naisasakay.

--Ads--

Inaasahan naman ng bus company na madaragdagan ang bilang ng mga biyahero sa mga susunod na araw kasabay ng paggunita ng Undas, kung kailan inaasahang uuwi sa kani-kanilang probinsya ang mga manggagawa, estudyante at iba pang mamamayan upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Umaasa si Tarun na makatutulong ang pagdami ng mga pasahero ngayong Undas upang madagdagan ang kanilang kita at kahit paano ay maibsan ang malaking gastusin sa diesel.