--Ads--

Sisilipin ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro ang detalye ng iniulat na P1.3 bilyong budget insertion para sa kaniyang distrito sa 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara.

Ayon sa People’s Budget Coalition, kabilang umano ang distrito ni Luistro sa mga nakatanggap ng pinakamalalaking alokasyon para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang panayam, sinabi ni Luistro na hindi siya nakalahok sa proseso ng pagbuo ng budget dahil abala siya bilang lead House prosecutor sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Aniya, nais niyang malaman ang mga detalye hinggil sa naturang alokasyon at muli niya itong susuriin.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Luistro na hindi umano nakita ng engineering office ng DPWH sa kaniyang distrito ang mga naturang budget insertion.

Batay naman sa kaniyang pagkaunawa, ang mga nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) na inihanda ng Department of Budget and Management (DBM) ay kapareho ng mga nakapaloob sa General Appropriations Bill na ipinasa ng Kamara.

Tiniyak ng mambabatas na muling susuriin ang mga iniulat na dagdag na pondo upang malinawan sa mga detalye ng alokasyon.