--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon at backtracking ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at matunton ang nawawalang tricycle ng isang driver sa Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi niyang nagsagawa na ng follow-up investigation ang mga imbestigador katuwang ang complainant na si Christopher Teves matapos iulat ang pagkawala ng kanyang tricycle.

Batay sa pagsusuri sa mga CCTV footage, bandang alas-12:27 ng madaling araw nitong Oktubre 28 nang tangayin ang tricycle na nakaparada sa isang barangay road sa lungsod.

Nakita sa CCTV ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na unang umupo sa tricycle at tila nagmasid sa paligid bago ito itinulak palayo sa pinagparadahan. Nang makalayo, saka lamang umano pinaandar ng suspek ang motorsiklo.

--Ads--

Sa isinagawang backtracking at forward tracking ng mga imbestigador, namataan ang tricycle bandang alas-12:30 ng madaling araw sa harap ng SNJ Building, dakong alas-12:32 sa tapat ng IUDMC, at bandang alas-12:40 naman nang lumabas ito sa boundary ng Cauayan City patungong Reina Mercedes.

Gayunman, hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil sa madilim na kalsadang tinahak nito at kakulangan ng malinaw na kuha ng mukha sa mga CCTV footage.

Patuloy ngayong sinusuri ng mga awtoridad ang iba pang CCTV camera sa mga posibleng dinaanan ng suspek upang matukoy ang kinaroroonan ng nawawalang tricycle.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang mga kapulisan sa ilang junk shop sa lugar upang alamin kung may nagtangkang magbenta o magdala roon ng nawawalang sasakyan. Sa ngayon, wala pa umanong positibong ulat mula sa mga ito.

Kasabay nito, nagpaalala siya sa publiko na tiyaking ligtas ang kanilang mga sasakyan, lalo na ngayong Undas kung kailan inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga sementeryo, parke, plaza at iba pang pampublikong lugar.

Pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga ligtas at binabantayang paradahan, huwag iwan ang susi ng kanilang sasakyan, at maglagay ng karagdagang panseguridad na kagamitan gaya ng padlock o alarm device para maiwasan ang pagnanakaw.

Pinayuhan din ang mga may-ari ng 4-wheels na huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob ng sasakyan upang hindi maakit ang mga masasamang-loob.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang suspek at maibalik sa may-ari ang tricycle na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kanyang pamilya.

Aminado naman ang hanay ng HPG na hindi ito ang unang insidente ng pagnanakaw ng tricycle sa Cauayan City dahil may mga kaparehong insidente rin ang naitala nitong mga nagdaang taon na agad naman nilang nalutas at napanagot ang mga sangkot.

Batay sa mga kasong namonitor ng HPG sa Cauayan City walang grupo ang sangkot sa anumang insidente ng pagnanakaw ng sasakyan.