Pinalalakas ng Isabela Provincial Highway Patrol Team ang police visibility at checkpoint operations sa mga pangunahing kalsada sa lalawigan upang mapaigting ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko at mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista.
Ayon kay Pmaj. Renoli Baggayao ng Isabela Provincial Highway Patrol Team, patuloy ang kanilang araw-araw na checkpoint operations, katuwang ang mga local territorial police units, I-smart, gayundin ang Land Transportation Office.
Sinabi ni Pmaj. Baggayao na sa kanilang kasalukuyang monitoring ay bumababa ang bilang ng mga naa-apprehend na motorista.Gayunman, aniya, hindi ito nangangahulugang wala nang mga lumalabag sa batas-trapiko, kundi maaaring indikasyon na natututo na ang mga motorista dahil sa patuloy na pagpapaalala at presensya ng mga awtoridad sa mga kalsada.
Kabilang sa mga madalas na violation na kanilang naa-apprehend ang failure to carry Official Receipt o OR at Certificate of Registration o CR, gayundin ang failure to carry driver’s license.
Napapansin din ng Highway Patrol Team ang ilang motorista, partikular ang mga nagmamaneho ng motorsiklo, na gumagamit pa rin ng student permit.
Ipinaalala niya na ang student permit ay hindi driver’s license at hindi nito awtomatikong binibigyan ng pahintulot ang isang motorista na magmaneho nang walang kaukulang lisensya.
Samantala, nilinaw din ng Highway Patrol Team ang sitwasyon ng mga motorista na nagsasabing naiwan lamang sa kanilang bahay ang driver’s license.Ayon kay Bagayaw, maaaring i-counter-check ng mga awtoridad ang kanilang impormasyon upang matiyak kung mayroon talaga silang driver’s license.
Gayunman, binigyang-diin niya na ang pagkakaroon lamang ng litrato ng driver’s license sa cellphone ay hindi kapalit ng aktuwal na dokumentong kinakailangang dalhin ng motorista.
Sa ngayon patuloy ang panawagan ng Highway Patrol Team sa mga motorista na laging dalhin ang kanilang kumpletong dokumento, sumunod sa batas-trapiko at maging responsable sa pagmamaneho upang maiwasan ang anumang abala at mapanatili ang kaligtasan sa kalsada.











