--Ads--

Nabawi ng mga awtoridad ang isang motorsiklong iniulat na ninakaw sa Ilagan City matapos itong masabat sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Naggasican, Santiago City noong Hunyo 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Highway Patrol Group (HPG) Isabela, sinabi nito na naaresto rin sa operasyon ang isang 21-anyos na lalaki na pinaniniwalaang sangkot sa pagnanakaw ng naturang motorsiklo.

Ayon kay PMaj. Bagayao, nagresulta ang pagkakaaresto sa agarang paglalatag ng checkpoint ng Police Station 4 ng Santiago City Police Office matapos makatanggap ng flash alarm kaugnay sa nawawalang motorsiklo mula sa Ilagan Component City Police Station.

Batay sa imbestigasyon, pagmamay-ari ng isang residente ng Barangay Alinguigan, Ilagan City ang Yamaha Mio i125 na iniulat na nawawala noong gabi ng Hunyo 18 matapos itong iparada sa harap ng Jollibee sa Barangay Alibagu.

--Ads--

Ayon sa may-ari, nakalimutan umano nitong tanggalin ang susi ng motorsiklo habang nasa compartment naman ang mahahalagang dokumento ng sasakyan kabilang ang certificate of registration at photocopy ng official receipt.

Ang suspek ay walang trabaho at residente ng Diadi, Nueva Vizcaya.

Nang mapara sa checkpoint, nabigo umano ang suspek na magpakita ng lisensya sa pagmamaneho at maipaliwanag ang pagmamay-ari ng motorsiklo.

Sa masusing beripikasyon ng mga awtoridad, nakumpirmang tumutugma ang motorsiklo sa iniulat na nawawala sa Ilagan City dahilan upang agad siyang arestuhin.

Positibo namang kinilala ng may-ari ang narekober na motorsiklo matapos itong isailalim sa imbentaryo sa koordinasyon ng HPG Isabela.

Patuloy pa rin ang isinasagawang follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa insidente.

Samantala, muling pinaalalahanan ng HPG ang publiko na huwag iwanang nakasaksak ang susi sa kanilang mga motorsiklo at tiyaking nakaparada ang mga ito sa ligtas at may CCTV na lugar.

Ayon kay Hepe, karamihan sa mga naitatalang kaso ng carnapping ay kinasasangkutan ng mga motorsiklong iniwang nakaparada at may nakasaksak pa ring susi kaya madaling natatangay ng mga masasamang loob.Dagdag pa nito, makatutulong din ang paggamit ng karagdagang safety devices gaya ng kadena at wheel lock upang maiwasan ang pagnanakaw ng sasakyan.