--Ads--

Tumaas ng tinatayang P100 hanggang P150 ang presyo ng ilang bulaklak sa Alicia, Isabela kumpara noong nakaraang taon, bunsod ng pagmahal ng suplay at gastusin sa transportasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Marissa Manuel, may-ari ng isang flower shop sa Alicia, sinabi nitong maaga silang nagtungo sa Baguio at Kayapa upang alamin ang presyo at matiyak ang sapat na suplay ng mga bulaklak para sa Undas.

Karaniwan umanong sa Baguio sila kumukuha ng mga bulaklak, subalit dahil sa kakulangan ng suplay doon, napilitan silang maghanap ng iba pang mapagkukunan, kabilang ang Kayapa at Maynila.

Ayon kay Manuel, malaking bahagi rin ng kanilang gastusin ang transportasyon, na nagdaragdag ng tinatayang 50 porsiyento sa gastos sa pagkuha at paghahatid ng mga bulaklak.

--Ads--

Samantala, hindi pa umano gaanong marami ang maagang nagpapareserba ng kanilang mga order ngayong taon kumpara noong nakaraang Undas.

Posible umanong naghihintay muna ang ilang mamimili dahil sa mas mataas na presyo ng mga bulaklak at flower arrangement.

Sa kabila nito, sinisikap pa rin ng kanilang tindahan na makapag-alok ng mga produktong pasok sa budget ng iba’t ibang mamimili. Naghahanda na rin sila ng mga ready-made arrangement para sa mga walk-in customer, habang tiniyak na hindi nila itinataas ang presyo ng mga nakareserba at rush order.

Mas pinipili naman umano ng kanilang mga customer ang mga lokal na bulaklak kaysa sa imported varieties.

Nasa P500 hanggang P550 ang isang bundle ng Rados White at Malaysian flowers, habang nagkakahalaga naman ng P150 hanggang P300 ang maliliit na arrangement.

Nagsisimula sa P500 ang mga naka-basket na arrangement, depende sa disenyo at uri ng bulaklak na gagamitin, habang nasa P400 naman ang topiary o bilog na flower arrangement.