Magpapakalat ang France ng nasa 70,000 pulis at gendarmerie sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang paghahanda sa mga nakatakdang protesta sa Sabado, Oktubre 31, kasabay ng pagdiriwang ng Halloween.
Ayon kay Interior Minister Laurent Nunez, paiigtingin ang seguridad sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga armored vehicle at water cannon upang maiwasan ang kaguluhan.
Nag-ugat ang mga protesta sa pagtaas ng halaga ng pamumuhay sa bansa, na nauwi na rin sa malawakang pagnanakaw at riot sa ilang lugar.
Batay sa datos ng Interior Ministry, nasa 410,000 katao ang lumahok sa mga demonstrasyon noong nakaraang Sabado, habang mahigit 2,700 naman ang inaresto noong isang linggo.
Nagbabala rin si Nunez laban sa paggamit ng Halloween masks bilang dahilan upang itago ang pagkakakilanlan habang nagsasagawa ng kaguluhan. Pinayagan ang mga demonstrasyon ngunit hindi sa mga sentro ng lungsod na posibleng pagmulan ng kaguluhan.
Binigyang-diin ng kalihim na magiging mahigpit ang pagtugon ng mga awtoridad sa sinumang magdudulot ng kaguluhan, kabilang ang mga grupong nasa magkabilang panig ng pulitika.











