--Ads--

Iniutos ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension sa isang barangay chairman at treasurer sa Quezon City kaugnay ng hindi pa nareresolbang audit disallowances sa paggamit ng pondo ng barangay at umano’y mga ghost project.

Kabilang sa sinuspinde sina Barangay Quirino 3B (Claro) Chairman Ronald Noga Tagle at Treasurer Richelle Ann Formanes Santillan, na nahaharap sa kasong Grave Misconduct at Gross Neglect of Duty.

Ayon sa Ombudsman, malakas umano ang ebidensiya laban sa dalawa at maaaring maapektuhan ang administratibong proseso kung mananatili sila sa kanilang mga puwesto.

Batay sa imbestigasyon, umano’y magkasabwat na nag-withdraw sina Tagle at Santillan ng savings ng barangay mula 2018 hanggang 2023 para sa mga proyektong hindi naman umiiral o tinatawag na ghost projects.

--Ads--

Natukoy rin ng Commission on Audit ang ilang iregularidad sa paggamit ng pondo, kabilang ang kawalan ng mga kinakailangang dokumento para sa mga transaksiyon at disbursement.

Aabot umano sa 22.7 million pesos ang pondong inilabas nang walang kaukulang disbursement vouchers. Matapos ang apela, tinanggal ang mahigit 431 thousand pesos na disallowance, ngunit nananatiling hindi nareresolba ang mahigit 22.2 million pesos.

Inatasan naman ng Ombudsman si Quezon City Mayor Joy Belmonte na agad ipatupad ang preventive suspension at ipaalam sa tanggapan ang naging aksiyon sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng kautusan.