--Ads--

Umabot sa 746 pamilya o 2,041 indibidwal ang inilikas sa ilang lugar sa Albay kasunod ng pagputok ng Bulkang Mayon nitong Biyernes.

Batay sa ulat ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), kabilang sa mga lugar na nagsagawa ng evacuation ang Tabaco City na may 531 pamilya, Camalig na may 205 pamilya at Ligao City na may 10 pamilya.

Patuloy namang minomonitor ng iba pang lokal na pamahalaan ang sitwasyon, habang naka-red alert ang Provincial Disaster Operation Center upang matiyak ang koordinasyon sa mga apektadong lugar.

Namahagi rin ang Provincial Health Office ng 22,000 surgical masks para sa proteksiyon ng mga residente laban sa ashfall.

--Ads--

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagsimula ang moderately explosive eruption dakong alas-11:53 ng umaga nitong Biyernes at tumagal nang anim na minuto, na nagbuga ng ash plume na umabot sa 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan.

Muling nagbuga ng abo ang Mayon dakong alas-5:17 ng umaga nitong Sabado, habang nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan.

Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ), kasabay ng panawagan sa publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad.