--Ads--

Iniulat ng Iran ang pagkakasunog at pagsabog ng apat na oil tanker sa Strait of Hormuz matapos umanong dumaan ang mga ito sa mga rutang hindi awtorisado ng kanilang pamahalaan.

Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), ilan sa mga barko ay tinamaan umano ng mga naval mine habang tinatahak ang ipinagbabawal na ruta sa naturang estratehikong daluyan ng tubig.

Kabilang sa mga iniulat na insidente ang isang supertanker na may kargang mahigit dalawang milyong bariles ng krudo na tinamaan umano ng mina, sumabog at nagliyab. Gayunman, hindi pa nakukumpirma ang mga pahayag ng Iran, kabilang ang eksaktong bilang ng mga barkong sangkot.

Samantala, kinumpirma ng Maritime Security Centre ng Oman ang pagsagip sa 25 tripulante mula sa isang nasusunog na commercial vessel na kinilalang RITI at may bandilang Panama. Hindi pa malinaw kung kabilang ito sa apat na tanker na iniulat ng Iran.

--Ads--

Nakatanggap din ng magkakahiwalay na ulat ang United Kingdom Maritime Trade Operations o UKMTO tungkol sa mga barkong tinamaan ng hindi pa matukoy na mga projectile sa naturang karagatan.