--Ads--

Naglatag ng mga assistance desk at nagtalaga ng emergency response personnel ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Luna, Isabela upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayang dumadalaw sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.

Sinimulan ang deployment ng mga tauhan noong Oktubre 28, sa pamamagitan ng paglalagay ng First Aid Service Team (FAST) sa harapan ng tanggapan ng MDRRMO sa kahabaan ng highway.

Noong Oktubre 30 naman binuksan ang ikalawang assistance desk sa loob mismo ng sementeryo upang agad na matugunan ang mga nangangailangan ng paunang lunas at tulong medikal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO3 Rene Dalope, Officer-in-Charge Municipal Fire Marshal, limang personnel, kabilang ang mga on-the-job trainees o OJT, ang nakatalaga sa FAST assistance desk sa highway.

--Ads--

Apat naman ang naka-duty sa loob ng sementeryo, katuwang ang mga OJT, kapulisan, barangay tanod at personnel ng MDRRMO.

Dalawang sementeryo ang binabantayan ng mga responder sa bayan, partikular ang Dadap Cemetery at Unyon-Kalinga Cemetery.

Layunin ng deployment na matiyak ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga sementeryo-goer, lalo na ng mga senior citizen na maaaring makaranas ng pagkahilo, panghihina o iba pang emergency habang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Kabilang sa mga serbisyong iniaalok sa assistance desk ang blood pressure monitoring, pagbibigay ng paunang lunas at pagpapahinga sa mga bisitang nakararamdam ng pagkahilo.

Nakaantabay rin ang mga ambulansiya at iba pang emergency response equipment ng MDRRMO para sa mabilis na pagresponde sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente.

Samantala, binigyang-diin ni Dalope na bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino ang pagbisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay bilang pagpapakita ng pagmamahal at patuloy na pag-alala sa kanila.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko na bago umalis ng kanilang tahanan ay tiyaking walang naiwang nakasinding kandila, maayos ang mga electrical connection at ligtas ang mga kagamitan upang maiwasan ang posibleng sunog.

Pinayuhan din ang mga bibisita sa sementeryo na magdala ng sapat na pagkain at inuming tubig, lalo na kung magtatagal sa lugar.

Mahalaga rin umanong lagyan ng identification ang mga bata upang madali silang matunton sakaling mahiwalay sa kanilang mga magulang o kasama sa mataong lugar.

Sa oras ng emergency, maaaring tumawag sa Unified Emergency Hotline 911 upang makahingi ng agarang tulong.

Samantala, nagsasagawa na rin ng roving operations o recorida ang Bureau of Fire Protection (BFP) simula Oktubre 28 bilang bahagi ng paghahanda at pagpapaigting ng fire safety monitoring ngayong Undas.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng MDRRMO, BFP, kapulisan at iba pang emergency responders, layunin ng mga kinauukulan na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa paggunita sa Undas 2026.