--Ads--

Itinanggi ng prosecution counsel na nalabag ang karapatan ni Vice President Sara Duterte sa due process sa kabila ng pagbawi sa tatlo sa apat na Article of Impeachment laban sa kanya.

Ayon kay prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr., walang paglabag sa due process dahil hindi naman maglalabas ng hatol ang Senate impeachment court laban kay Duterte kaugnay ng tatlong kasong binawi.

Paliwanag ni Tolosa, bahagi ng due process ang pagbibigay sa isang akusado ng pagkakataong marinig at maipresenta ang kanyang panig bago maglabas ng anumang desisyon laban sa kanya.

Kabilang sa mga binawing kaso ang mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds, panunuhol at matitinding pagbabanta.

--Ads--

Nauna namang iginiit ng kampo ni Duterte na nailahad na sa publiko ng prosekusyon ang mga ebidensiya nito. Dahil sa pagbawi sa tatlong impeachment articles, wala na rin umanong pagkakataon ang depensa na pormal na kontrahin ang mga naturang alegasyon sa paglilitis.

Gayunman, sinabi ni Tolosa na nakabuti pa sa depensa ang naging hakbang ng Senate impeachment court dahil inalis nito ang sub judice rule para sa tatlong binawing kaso, na nagbibigay-daan upang malayang talakayin ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon sa publiko.

Ipinagbawal din ng korte sa prosekusyon na muling ihain ang mga kasong binawi.

Samantala, natapos na ng prosecution panel ang paghaharap ng mga ebidensiya nito kaugnay ng Article II, na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte, hindi wastong pagsisiwalat ng mga ari-arian sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, at pagpapanatili ng interes sa negosyo habang nanunungkulan bilang bise presidente.

Nakatakdang simulan ng depensa ang paghaharap ng mga ebidensiya nito sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.