Hindi inalintana ng mga miyembro at tagasuporta ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang masamang panahon nang magsagawa ang mga ito ng indignation rally sa harap ng Korte Suprema ngayong Martes, Nobyembre 3.
Panawagan ng grupo ang agarang pagresolba ng Korte Suprema sa mga kasong may kaugnayan kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Nakatakda ring magsumite ang PDP-Laban ng liham sa Korte Suprema upang muling igiit ang kanilang hiling na madaliin ang paglalabas ng desisyon sa mga nakabinbing kaso.
Sa open letter na inilabas noong Oktubre 31 at nilagdaan ni acting chairman Alfonso Cusi, kinuwestiyon ng partido ang umano’y pagkaantala sa mga proseso, kabilang ang habeas corpus petition na inihain para kay Duterte na halos 600 araw nang nakabinbin.
Hiniling din ng grupo ang agarang pagresolba sa motion for reconsideration na inihain ni Dela Rosa.
Matatandaang inaresto si Duterte noong Marso 11, 2025 at dinala sa The Hague, Netherlands upang harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng kaniyang kampanya kontra droga.
Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa kaniya sa Nobyembre 30, 2026, habang nahaharap din si Dela Rosa sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa mga naturang krimen.











