Nais ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III na magkaroon ng mas malinaw na patakaran laban sa matagal at walang awtorisasyong pagliban ng mga senador sa kanilang mga tungkulin.
Ito ay kasunod ng paghahain niya ng Senate Resolution No. 751 na humihiling sa Senate Committee on Rules na repasuhin ang umiiral na mga panuntunan at magrekomenda ng kaukulang hakbang laban sa prolonged unauthorized absences.
Binigyang-diin ni Sotto na ang pagiging halal na opisyal ay isang tiwalang ipinagkaloob ng mamamayan kaya dapat panagutan ng mga senador ang kanilang mga responsibilidad.
Ayon sa resolusyon, nagiging hadlang sa mahahalagang gawain ng Senado ang matagal na pagliban, lalo’t wala umanong malinaw na probisyon sa kasalukuyang Senate Rules kung paano ito dapat tugunan.
Dahil dito, nais ni Sotto na magpatupad ng mekanismong magtitiyak sa pananagutan ng mga senador sa kanilang tungkulin bilang mga kinatawan ng taumbayan.










