--Ads--

Nilinaw ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi niya personal na natanggap ang kanyang suweldo sa loob ng anim na buwang hindi siya nakadalo sa Senado. Ayon sa kanya, ang kanyang sekretarya ang kumukuha ng suweldo sa kanyang ngalan, ngunit kalaunan ay tumigil din ito dahil sa hiya.

Sinabi rin ng senador na handa siyang isauli ang bahagi ng kanyang suweldo na hindi niya nagamit, dahil ang ilang pondo ay naipagamit na sa mga relief operations.

Samantala, iginiit ni Dela Rosa na gagamitin niya ang lahat ng legal na hakbang upang pigilan ang kanyang posibleng pagkaaresto kaugnay ng kasong isinampa sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa umano’y extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ayon sa kanya, naghain ang kanyang kampo ng petisyon sa Korte Suprema para sa agarang proteksiyong hudisyal at hihintayin nila ang desisyon ng korte. Umaasa rin siya na maglalabas ang SC ng temporary restraining order habang inaapela ang anumang magiging arrest warrant.

--Ads--

Dagdag pa ni Dela Rosa, mananatili siya sa Senado at hindi aalis ng bansa, at kasalukuyan siyang nanunuluyan sa opisina ni Senador Jinggoy Estrada.

Kinumpirma ng ICC ang paglabas ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng drug war killings. Sa ngayon, nasa protective custody ng Senado si Dela Rosa at tiniyak na hindi siya aarestuhin sa loob ng kapulungan.