Nakapagtala na ng very strong El Niño sa tropical Pacific na inaasahang magdudulot ng matinding init sa Pilipinas hanggang sa unang bahagi ng 2027, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food nitong Miyerkules, inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang sa unang quarter ng 2027 at posibleng maabot ang pinakamataas na antas bago matapos ang 2026.
Posible ring magpatuloy ang mga epekto nito hanggang sa unang kalahati ng 2027, kabilang ang pagtaas ng temperatura sa buong bansa nang hanggang 2 degrees Celsius.
Batay sa climate outlook ng PAGASA, inaasahang magdudulot ang matagal na kakulangan ng ulan ng tagtuyot at mas mataas na temperatura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na posible pa ring magkaroon ng mga bagyo at malalakas na pag-ulan sa kabila ng umiiral na El Niño.
Samantala, iniulat ng Department of Social Welfare and Development na nasa 356,800 indibidwal na ang naapektuhan ng El Niño noong Oktubre.
Umabot naman sa mahigit P8.57 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa naturang weather phenomenon, ayon sa Department of Agriculture.











