--Ads--

Nais kunin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group-Task Force for Road Clearing head Gabriel Go upang maging bahagi ng DOTr.

Inihayag ito ni Dizon nitong Miyerkules, mahigit isang linggo matapos siyang muling maupo bilang kalihim ng naturang departamento.

Ayon kay Dizon, makatutulong si Go sa pagpapahusay ng road sector, partikular sa mga busway at mass transport system na gumagamit ng mga lansangan.

Gayunman, hindi pa nito kinukumpirma kung pumayag na si Go na lumipat sa DOTr.

--Ads--

Sa kasalukuyan, pinangangasiwaan ni Go ang mga clearing operation laban sa mga ilegal na nakahambalang sa mga bangketa at kalsada, gayundin ang pagpapatupad ng mga parusa sa mga lumalabag sa sidewalk regulations sa Metro Manila.

Noong Hulyo, sinuspinde si Go sa pagsali sa clearing operations matapos mag-viral ang video ng kaniyang pagsita sa isang gurong nagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet.

Umani ng magkakaibang reaksiyon ang naturang insidente. May mga sumang-ayon sa paalala ni Go na dapat maging huwaran ang mga guro sa kanilang mga estudyante, habang kinuwestiyon naman ng iba ang paraan ng kaniyang pakikipag-usap sa guro.