--Ads--

Tumestigo sa Sandiganbayan nitong Miyerkules si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon kaugnay ng graft case laban kay dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, na may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Sa kanyang pagtestigo, sinabi ni Dizon na malinaw na substandard ang P289-milyong road dike project matapos niya itong personal na inspeksyunin.

Ayon kay Dizon, una nang ipinaalam sa kanya ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Bonz Dolor ang mga alegasyon ng iregularidad sa proyekto, bukod pa sa mga lumabas na ulat hinggil dito.

Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Co at ilang dating opisyal ng DPWH kaugnay ng proyekto na isinagawa ng Sunwest Inc., isang contractor na sinasabing may ugnayan kay Co.

--Ads--

Iginiit ni Dizon na hindi na maaaring ayusin lamang ang kasalukuyang istruktura dahil kailangan itong gibain upang mapalitan ang mga ginamit na sheet pile.

Tatlong metro lamang umano ang sheet piles na ginamit sa proyekto, gayong 12 metro ang kinakailangang sukat batay sa proyekto.

Sinabi ni Dizon na kailangang gibain ang buong istruktura upang mapalitan ang mga ito at masunod ang itinakdang specifications.

Tinanggihan din ni Dizon ang mga dahilan na inilahad ng mga abogado ng Sunwest at iba pang sangkot, dahil aniya ay malinaw ang mga nakitang problema sa pagkakagawa ng proyekto.