--Ads--

Nagtala ng malaking panalo ang Democratic Party sa katatapos na midterm elections sa Estados Unidos, kung saan nakakuha ito ng 54 na puwesto kumpara sa 44 ng Republican Party, sa resultang tinawag na “Blue Tsunami”.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual sa Estados Unidos, ikinagulat man ito ng ilang mamamayan, marami rin ang nakahula sa magiging resulta dahil sa kanilang pagkadismaya sa performance ni President Donald Trump.

Aniya, marami ang hindi nasisiyahan sa pamamalakad ng pangulo, partikular sa usapin ng mataas na presyo ng langis, gasolina at iba pang pangunahing bilihin.

Ipinangako umano ni Trump na pabababain ang presyo ng langis at gasolina gayundin ang halaga ng mga bilihin. Sinisikap din umano ng pangulo na matiyak ang sapat na suplay ng langis kasunod ng mga reklamo ng publiko hinggil sa patuloy na pagtaas ng gastusin.

--Ads--

Dahil dito, mas pinili umano ng ilang botante na suportahan ang mga kandidato ng Democrats, dahilan upang maagaw ng partido ang ilang distritong dating pinananalunan ng Republicans, kabilang ang mga lugar kung saan nagkaroon si Trump ng mahigit sampung porsiyentong lamang noong 2024 presidential elections.

Samantala, ayon pa kay Pascual, pinag-uusapan na rin umano sa Estados Unidos ang posibilidad na ma-impeach si Trump kasunod ng pagkapanalo ng Democrats.

Kabilang din sa mga tinututukan ang posibilidad na magsagawa ng mga imbestigasyon ang mga Democrat lawmakers sa ilang isyung may kaugnayan sa administrasyon ng pangulo.