Itinanggi ni House Speaker Faustino Dy III ang mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng budget insertions ng mga kongresista sa panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027, kasabay ng pagsuporta sa panawagan para sa mas malawak na transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon kay Dy, naging bukas at transparent umano ang proseso ng deliberasyon sa Kamara at hindi nangangahulugang may korapsyon sa tuwing may mga susog o amendments sa panukalang budget.
Dagdag pa niya, walang dapat ikatakot kung walang ginawang mali, at karapatan ng publiko na malaman kung saan mapupunta ang pera ng mga taxpayers, kung sino ang nagpanukala ng mga proyekto at kung sino ang makikinabang dito.
Ipinagtanggol ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang proseso ng paglalagay ng amendments o budget insertions sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, kasabay ng pagtanggi sa mga alegasyong may korapsyon sa naturang proseso.
Sa pahayag ni Dy nitong Huwebes, sinabi nitong hindi dapat awtomatikong iugnay sa korapsyon ang bawat pagbabagong ginagawa ng mga kongresista sa panukalang budget, dahil bahagi umano ng kanilang tungkulin ang ipaglaban ang pangangailangan ng kani-kanilang distrito.
Binigyang-diin din ng House Speaker na walang dapat itago kung walang ginagawang mali, at karapatan ng publiko na malaman kung saan napupunta ang pondo ng bayan, sino ang nagpanukala ng mga proyekto at kung sino ang makikinabang sa mga ito.
Bukas din umano ang Kamara sa pagsasapubliko ng mga supporting documents ng mga proyekto, pagpapalawak ng access ng publiko sa budget deliberations at pakikipagtulungan sa mga civil society organizations para mapalakas ang pagbabantay sa paggamit ng pondo.
Samantala, iginiit ni Dy na dapat unahin sa pambansang budget ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino, kabilang ang pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon, imprastraktura at paghahanda sa posibleng Super El Niño.
Nanawagan din siya ng mas malawak na kooperasyon sa pagitan ng Kamara, Senado at mga ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na maayos ang dokumentasyon at tunay na kapaki-pakinabang sa publiko ang mga proyektong popondohan.











