--Ads--

Arestado na ang dalawa sa apat na suspek na umano’y sangkot sa pagpatay sa isang Indian businessman sa Lungsod ng Ilagan, Isabela, kasunod ng magkahiwalay na operasyon ng pulisya noong Nobyembre 2, 2026.

Kinilala lamang ang mga suspek sa alyas na “Jun” at “War,” na nadakip sa Barangay Ugad sa Cabagan at Barangay San Manuel sa Naguilian, Isabela.

Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Murder na inilabas ng korte sa Lungsod ng Ilagan noong Oktubre 12, 2026. Walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga akusado.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril sa Indian businessman noong Mayo 23, 2026 sa City Homes Subdivision, Barangay Alibagu, Lungsod ng Ilagan.

--Ads--

Kapwa kabilang ang mga naarestong suspek sa listahan ng most wanted persons sa Cagayan Valley Region at lalawigan ng Isabela.

Pinangunahan ng CIDG Isabela Provincial Field Unit ang operasyon katuwang ang Isabela Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit 2, at mga pulisya ng Cabagan at Naguilian.

Ayon kay PNP Chief Police General Nartatez, patuloy ang kanilang operasyon upang matukoy at madakip ang iba pang sangkot sa krimen at matiyak na mapapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.