--Ads--

Humarap sa Sandiganbayan si Jail Warden Supt. Maria Lourdes Pacion ng New Quezon City Jail para ipaliwanag ang ilang alegasyon na nakakalabas umano at sumasakay sa ambulansya ang dating House speaker na si Martin Romualdez kahit nakapiit ito dahil sa kasong plunder.

Ayon kay Jail Warden Pacion may personal staff na nananatili sa loob ng selda ni dating House Speaker nang 24 oras upang tumulong sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan habang nakakulong.

Ayon kay Jail Warden Pacion, pinayagan niya ang naturang arrangement dahil batay sa kaniyang assessment, hindi pa umano ganoon katatag ang mental state ni Romualdez at nangangailangan ito ng tulong sa lahat ng oras.

Ipinaliwanag din ng jail warden na hindi naman bago ang ganitong konsiderasyon sa mga detention facility, subalit nakadepende ito sa pangangailangan at kondisyon ng bawat person deprived of liberty o PDL.

--Ads--

Isinagawa ang pagdinig upang alamin ang aktuwal na kalagayan ng pagkakakulong ni Romualdez kasunod ng mga alegasyong malaya umano itong nakalalabas ng pasilidad sakay ng ambulansiya.

Gayunman, itinanggi ni Pacion ang naturang alegasyon at iginiit na hindi pa lumalabas ng kulungan si Romualdez mula nang dalhin ito roon noong Setyembre 15.

Sinabi rin niyang nananatili lamang ito sa kaniyang selda at paminsan-minsang pumupunta sa sunning area. Isinasagawa naman sa pamamagitan ng video conferencing ang pagdalo nito sa mga pagdinig.

Kaugnay nito, inatasan ng Sandiganbayan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na suriin ang closed-circuit television o CCTV footage mula nang ikulong si Romualdez hanggang Nobyembre 4 at magsumite ng notarized report tungkol sa kaniyang mga naging aktibidad.

Inatasan din ang BJMP na magsumite ng mga dokumento hinggil sa estado ng CCTV system at kalusugan ni Romualdez.

Pinahaharap ng korte ang mga kinatawan ng BJMP sa susunod na pagdinig sa Nobyembre 9.