Pormal nang lumipad patungong Puerto Rico si Miss Universe Philippines 2026 Bea Millan-Windorski upang katawanin ang Pilipinas sa ika-75 edisyon ng Miss Universe pageant.
Dumating si Windorski sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Huwebes ng hapon, suot ang isang canary yellow dress at hat na likha ng designer na si Anthony Ramirez.
Ayon sa beauty queen, hango sa isang mahalagang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ang kaniyang kasuotan na sumisimbolo sa empowerment ng mga Pilipina. Gumamit din ito ng yarn threads upang makabuo ng custom na Inabel Bangar fabric, habang solihiya-inspired bag naman mula sa Orias Essentials ang kaniyang aksesorya.
Sa kaniyang mensahe sa mga Pilipino, iginiit ni Windorski na karapat-dapat ipaglaban ang Pilipinas sa kabila ng mga hamong kinahaharap ng bansa.
Hinimok din niya ang bawat Pilipino na patuloy na bumuo ng oportunidad at mag-ambag sa pag-unlad ng bansa.
Pangungunahan ni Windorski ang kampanya ng Pilipinas para makamit ang ikalimang Miss Universe crown.











