Nagdulot ng aberya sa mahigit 25 flights sa iba’t ibang bahagi ng Europa ang panibagong serye ng bomb threats nitong Huwebes, Nobyembre 5, kung saan ilang eroplano ang kinailangang magpalit ng landing destination o eskortan ng mga fighter jet.
Kabilang sa mga apektadong flight ang mga biyaheng patungong Milan, Rome, Paris, Prague at Sofia mula sa iba’t ibang bansa tulad ng Ireland, Denmark, Spain, Poland at Bulgaria.
Ayon sa mga awtoridad, ilan sa mga eroplano ang ligtas na nakalapag sa ibang paliparan, habang ang iba naman ay sumailalim sa inspeksiyon matapos makatanggap ng mga banta.
Sa Bulgaria, iniulat ng air force na tatlong eroplano ang ineskortan ng kanilang fighter jets. Samantala, nagsagawa rin ng paghahanap ang bomb disposal unit sa dalawang eroplano sa Copenhagen Airport, ngunit walang nakitang anumang pampasabog.
Wala pang bansang direktang nagtuturo kung sino ang nasa likod ng mga banta, bagama’t nangyayari ito sa gitna ng mga alegasyon ng ilang opisyal sa Europa na posibleng may kaugnayan ang Russia sa serye ng sabotage at tinatawag na hybrid attacks sa rehiyon. Itinanggi naman ng Moscow ang anumang pagkakasangkot.
Ayon sa mga eksperto sa aviation security, posibleng layunin ng paulit-ulit na bomb threats na guluhin ang operasyon ng mga paliparan at subukan kung paano tutugon ang mga airline at awtoridad sa ganitong uri ng banta.
Matatandaang nitong Martes, ilang flight at isang cruise ship din ang nakatanggap ng bomb threats sa Europa, subalit wala ring natagpuang pampasabog sa isinagawang inspeksiyon.











