--Ads--

Narekober ng Highway Patrol Group (HPG) Region 2 ang isang Toyota Hilux na nagmula sa isang transaksiyon sa Maynila at napunta sa kamay ng ilang indibidwal sa Isabela matapos umanong hindi mabayaran ang sasakyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLCol. Samson Kimayong, Regional Chief ng HPG Region 2, sinabi nitong bahagi ito ng kanilang regular na operasyon laban sa carnapping at iba pang paglabag sa batas na may kaugnayan sa mga sasakyan.

Ayon kay PLCol. Kimayong, nagmula sa Maynila ang transaksiyon kung saan naroroon ang registered owner ng sasakyan, subalit napunta ito sa Isabela matapos maipasa-pasa sa iba’t ibang indibidwal.

Narekober ang sasakyan matapos makatanggap ng reklamo ang HPG at magsagawa ng intelligence gathering at follow-up investigation.

--Ads--

Ipinaliwanag ni PLCol. Kimayong na hindi umano nabayaran ang sasakyan bago ito naibenta sa ibang indibidwal at napunta sa kasalukuyang possessor nito.

Gayunman, matapos ipaliwanag ng mga operatiba ang sitwasyon at ang reklamong kinakaharap ng sasakyan, boluntaryo naman umano itong isinuko ng kasalukuyang may hawak.

Agad ding isinagawa ng HPG ang turnover ng sasakyan sa registered at legal owner nito.

Samantala, sinabi ni PLCol. Kimayong na nananatiling minimal ang naitatalang carnapping incidents sa Region 2 kumpara sa ibang rehiyon.

Dagdag pa niya, sa tulong ng mga lokal na himpilan ng pulisya at HPG, nalulutas o kaya naman ay nalilinawan ang lahat ng naitatalang kaso ng carnapping sa rehiyon.

Wala rin umano silang namomonitor na organisadong grupo na sangkot sa ganitong uri ng gawain sa kasalukuyan.

Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mga secondhand na sasakyan at motorsiklo, lalo na kung nagmumula ang mga ito sa ibang lugar.

Kabilang sa dapat suriin ang Official Receipt at Certificate of Registration o OR/CR, dahil mayroon umanong mga pekeng dokumentong ginagamit sa pagbebenta ng mga sasakyan.

Maaari rin umanong makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng HPG upang beripikahin kung may alarm o rekord ng carnapping ang sasakyang bibilhin.

Tiniyak naman ng opisyal na bukas ang kanilang mga tanggapan at hotline upang tumulong sa publiko sa pagberipika ng mga sasakyan bago isagawa ang transaksiyon.

Samantala, Inihayag ng isang Field repossesor na umabot na sa higit isang taon na hindi nabayaran ng naturang sasakyan sa bangko kaya humingi na sila ng tulong sa mga awtoridad.

Inihayag ni Ginoong Justine Troy Garcia na unang na impound ang sasakyan bago natuklasang matagal na itong hinahanap ng bangko.

malawak ang ganitong problema dahil bumababa ang halaga ng sasakyan habang tumatagal, kaya nalulugi ang bangko kapag hindi naipagpapatuloy ang pagbabayad ng loan.

Dagdag pa niya, hindi lamang mga unit na boluntaryong isinasauli ng mga kliyente ang kanilang narerecover dahil marami rin ang naipapasa o naibebenta sa ibang indibidwal sa pamamagitan ng tinatawag na assume balance.

Ipinaliwanag niyang maaaring paglabag ito sa kontrata dahil sa ilalim ng hire-purchase o leasing arrangement, hindi pa ganap na pag-aari ng kliyente ang sasakyan habang hindi pa natatapos ang obligasyon nito sa financing company.

Samantala, bago umabot sa legal na aksiyon, dumaraan muna umano sa proseso ng collection ang mga kliyenteng hindi nakakabayad.

Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa borrower, pag-alam sa dahilan ng hindi pagbabayad, pag-aalok ng restructuring ng account at pagbibigay ng alternatibong payment arrangement upang makahabol sa obligasyon.

Subalit kung tumanggi na ang kliyente na makipag-ayos o isuko ang sasakyan, maaari nang magsagawa ng kaukulang legal na hakbang ang bangko, kabilang ang paghahain ng kaso upang mabawi ang kanilang property.