Nasa maayos nang kalagayan ang isang walong taong gulang na bata matapos mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sa national highway sa Barangay Minante Dos, Cauayan City, Isabela, kahapon, Nobyembre 5.
Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, dakong alas-11:55 ng umaga nang maganap ang aksidente habang binabaybay ng motorsiklo ang northbound lane patungo sa sentro ng lungsod.
Sa paunang imbestigasyon, bigla umanong tumawid ang bata mula sa kanang bahagi ng kalsada patungo sa kabilang lane, dahilan upang mabangga ito at tumilapon sa sementadong bahagi ng lansangan.
Nagtamo ang bata ng mga sugat sa kanang paa, kamay, magkabilang tuhod at binti kaya agad itong isinugod sa isang pribadong ospital sa lungsod.
Sa pagbisita ng Bombo News Team sa ospital nasa maayos ng kalagayan na ito. Gayunman, tumanggi ang pamilya na magbigay ng pahayag hinggil sa insidente.
Samantala, nagtamo rin ng minor injuries ang driver ng motorsiklo at napinsala ang sasakyan nito.
Kinumpirma ng Cauayan City Police Station na nagkaroon na ng kasunduan ang magkabilang panig, kung saan sasagutin ng driver ang mga gastusing medikal ng bata.
Muling pinaalalahanan ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, habang hinimok ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa pagtawid sa mga pangunahing lansangan.











