Pinaigting ng Santiago City Police Office (SCPO) ang pagbabantay sa mga sementeryo at matataong lugar sa lungsod ngayong Undas upang matiyak ang seguridad ng publiko at maayos na daloy ng trapiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., hepe ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng SCPO, sinabi nitong 34 na traffic personnel ang itinalaga upang magpatupad ng traffic management plan, kabilang ang mga traffic rerouting scheme sa mga pangunahing kalsada at paligid ng mga sementeryo.
Samantala, nasa 56 na motorista ang nahuli at nabigyan ng citation ticket kahapon dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas-trapiko, karamihan ay may kaugnayan sa paggamit ng unauthorized o hindi standard na helmet.
Dahil dito, pinaalalahanan ng pulisya ang mga motorista na gumamit ng aprubadong helmet at sumunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente.
Patuloy naman ang monitoring at pagpapatrolya ng SCPO sa mga sementeryo at matataong lugar sa Santiago City upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan habang ginugunita ang Undas.











