--Ads--

Pabor ang isang transport group sa bagong polisiya ng Land Transportation Office (LTO) na awtomatikong pagbawi ng lisensya ang ipapataw sa mga motorista na lalampas sa pinahihintulutang antas ng alkohol sa katawan simula Nobyembre 15.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), sinabi nitong bilang isang motorista, batid niya ang mga responsibilidad sa pagmamaneho at hindi nararapat ang pag-inom ng alak bago magmaneho.

Aminado si Lim na maaaring maging mabigat ang nasabing polisiya para sa mga mahilig uminom ng alak, ngunit iginiit niyang kinakailangan ang mahigpit na pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang mga aksidenteng dulot ng drunk driving.

Payo niya sa publiko, kung hindi maiiwasan ang pag-inom ng alak, huwag nang magmaneho ng sasakyan. Mas mabuting manatili na lamang sa bahay at magpahinga sa halip na bumiyahe habang nakainom.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Lim na mahalaga ang disiplina sa sarili upang maiwasan ang mga insidente sa kalsada.

Gayunman, sinabi niyang bagama’t magandang hakbang ang bagong polisiya, hindi siya kumbinsidong handa na ang pamahalaan sa pagpapatupad nito, lalo na sa usapin ng pagkakaroon ng sapat na breath analyzer para sa mga traffic enforcer.

Aniya, sa ibang bansa ay karaniwang may breath analyzer ang mga law enforcement personnel upang matukoy ang mga driver na nagmamaneho habang nakainom.

Dahil dito, mahalagang matiyak din sa Pilipinas na may sapat na kagamitan ang mga awtoridad upang maging maayos at epektibo ang pagpapatupad ng bagong polisiya.

Dagdag pa rito, kailangan ding tiyakin ang wastong paggamit ng mga kagamitan at pagsunod sa tamang proseso upang mapangalagaan ang karapatan ng mga motorista at maiwasan ang hindi patas na pagpapatupad ng batas.