Inireklamo ng ilang residente ng Barangay Manaoag, Cauayan City, maging ng mga karatig barangay nito angpagdagsa ng libu-libong langaw sa kanilang mga tahanan na umano’y nagmumula sa isang pribadong poultry farm sa kanilang lugar.
Dahil dito, napipilitan na umano ang mga residente na gumamit ng kulambo habang kumakain upang maiwasang dapuan ng mga langaw ang kanilang pagkain.
Nangangamba rin sila sa posibleng epekto nito sa kalusugan ng mga bata at iba pang miyembro ng komunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Administrative Officer I Lovelyn Arcega Dela Paz, sinabi nitong kinakailangan nilang magsagawa ng inspeksyon upang matukoy ang pinagmumulan ng pagdami ng mga langaw at malaman kung may mga nilabag na patakaran ang naturang poultry farm.
Gayunman, hindi lamang aniya CENRO ang magsasagawa nito kundi kinakailangan din ang pakikipagtulungan ng iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan, partikular ang mga ahensyang may kinalaman sa sanitation at iba pang aspeto ng inspeksyon.
Ayon kay Dela Paz, hindi na rin ito ang unang pagkakataong nakatanggap sila ng reklamo laban sa naturang pasilidad dahil mayroon na silang naitalang kahalintulad na insidente noong nakaraang taon.
Aniya, matapos ang isinagawang inspeksyon noon, nabigyan ang poultry farm ng notice of violation na naglalaman ng mga nakitang paglabag at mga kailangang itama sa operasyon nito.
Ipinaliwanag din ni Dela Paz na kapag natukoy na ang pinagmumulan ng problema, bibigyan ang establisimyento ng sampung araw upang maisagawa ang mga kinakailangang hakbang at maitama ang mga paglabag.
Kapag hindi pa rin ito nasunod sa unang abiso, maaari silang maglabas ng panibagong notice of violation at posibleng mauwi sa pagsuspinde ng operasyon ng poultry farm o iba pang establisimyento.
Samantala, personal na ring nagtungo sa lugar si City Health Office 2 Sanitary Inspector 2 Angelo Ramirez ang nabanggit na lugar upang silipin ang sitwasyon.
Ayon kay Ramirez, wala silang natanggap na pormal na reklamo hinggil sa naturang problema at nalaman lamang niya ito matapos makita ang isang post sa social media.
Sinubukan din ng Bombo Radyo Cauayan na kunin ang panig ng pamunuan ng barangay, subalit wala pa silang naibibigay na pahayag kaugnay sa usapin.
Sa ngayon, nananawagan ang mga apektadong residente sa mga kinauukulang ahensya na agarang aksyunan ang problema upang maiwasan ang posibleng panganib sa kalusugan ng publiko dulot ng pagdami ng mga langaw sa kanilang komunidad.











