--Ads--

Nagsagawa ng committee hearing ang Sangguniang Panlalawigan ng Isabela kaugnay ng mahigit 20 reklamong natanggap laban sa ilang health workers ng Cauayan District Hospital, na karamihan ay may kinalaman sa umano’y hindi maayos na pakikitungo sa mga pasyente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy, sinabi nitong kabilang din sa mga reklamong kanilang tinututukan ang umano’y hindi agad pagbibigay ng atensyon sa mga pasyente at mga isyu sa diagnosis ng ilang kaso.

Ayon kay Vice Governor Dy, sa isinagawang pagdinig ay dumalo ang halos lahat ng mga doktor, department heads, health workers at mga opisyal ng Provincial Health Office upang marinig ang panig ng bawat isa.

Aminado naman umano ang ilang health workers na dahil sa mahahabang duty at shifting na umaabot pa minsan ng 24 oras, nakararanas sila ng matinding pagod at puyat na nakaaapekto sa kanilang pakikitungo sa mga pasyente.

--Ads--

Gayunman, iginiit ng bise gobernador na hindi ito dapat maging dahilan upang magsungit o magdabog sa mga pasyente.

Hindi pa aniya natatapos ang committee hearing dahil paunang talakayan pa lamang ang naisagawa. Itutuloy ang pagdinig sa Agosto 10 upang matalakay pa ang iba pang usapin at makabuo ng mga solusyong makikinabang ang kapwa mga pasyente at health workers.

Isa rin sa mga lumutang sa pagdinig ang pangangailangan ng mga district hospital sa lalawigan ng expansion ng kanilang mga pasilidad, pagdaragdag ng mga kagamitang medikal at karagdagang health workers upang mas mapabuti ang serbisyong naibibigay sa publiko.

Samantala, kinumpirma ni Vice Governor Dy na may nauna nang isang health worker na pansamantalang nasuspinde bagamat hindi na binanggit ang eksaktong petsa nito kaugnay ng mga reklamong natanggap, habang ang iba naman ay kinausap na ng pamunuan bilang bahagi ng isinasagawang pagresolba sa mga naturang isyu.