Hinatulan ng korte sa Kenya ng 200 taong pagkakakulong ang religious cult leader na si Paul Mackenzie kaugnay ng pagkamatay ng 190 bata na umano’y inutusang magutom hanggang mamatay upang makamit ang langit bago magwakas ang mundo.
Ayon kay Justice Diana Kavedza, 100 taon ang sentensiya para sa murder by starvation at 100 taon para sa direct homicide.
Natagpuan ang mga bangkay sa Shakahola Forest noong 2023, kung saan umabot sa 448 ang kabuuang bilang ng mga labi na nadiskubre, batay sa Kenya National Commission on Human Rights.
Itinanggi ni Mackenzie ang mga paratang, ngunit ibinasura ng korte ang kaniyang depensa. Bukod sa kaniya, 28 kasabwat ang nahatulan din ng pagkakakulong mula 10 hanggang 160 taon.
Nakatakda namang iapela ng kaniyang abogado ang hatol.











