--Ads--

Nakatakdang maging kauna-unahang bansa sa Africa ang Kenya na magho-host ng World Athletics Championships sa Nairobi sa 2029, isang makasaysayang pagkakataon para sa kontinente na maipakita ang husay ng mga atleta nito sa pandaigdigang entablado.

Gayunman, kasabay ng paghahanda ng Nairobi sa mga pasilidad at imprastraktura para sa prestihiyosong kompetisyon, sinusubok din ang kakayahan ng Kenya na matiyak ang malinis at patas na palakasan.

Ayon sa World Athletics, napili ang Nairobi noong Setyembre 15, 2026, matapos nitong talunin ang mga bidding cities na London, Rome at Munich. Samantala, sa Munich naman gaganapin ang 2031 edition, habang sa Beijing ang 2027 championships.

Kabilang sa paghahanda ng Kenya ang pagsasaayos sa Moi International Sports Centre o Kasarani Stadium, na una nang ina-upgrade bilang paghahanda sa 2027 Africa Cup of Nations. Bukod sa stadium, kailangan ding paghandaan ang transportasyon, accommodation, training facilities at iba pang serbisyong kakailanganin ng mga atleta at bisita.

--Ads--

Isa sa pinakamalaking hamon ng bansa ang matagal nang problema sa doping o paggamit ng ipinagbabawal na pampalakas ng performance ng mga atleta. Batay sa ulat, 318 Kenyan athletes ang napatawan ng sanction dahil sa paglabag sa anti-doping rules mula nang itatag ang Athletics Integrity Unit noong 2017, at 136 sa mga ito ang patuloy pang nagsisilbi ng suspension.